CAGAYAN DE ORO CITY – Tinatanggap bilang malaking hamon ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang natanggap na kritisismo kung saan hindi umano nila kaya pamahalaan ang bagong tatag na Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ito ang kasagutan ni MILF chairman at ngayon Bangsamoro Transition Authority (BTA) interim chief minister Murad Ebrahim sa banat ng Moro National Liberation Front (MNLF) Yosup Jariki na wala umano sila kakayahan na palaguin ang Bangsamoro region.
Inihayag ni Ebrahim na ito ang dahilan kaya humihingi sila ng sapat na panahon upang mailagay sa wastong pagpapatupad ang mga probisyon ng Bangsamoro Organic Law (BOL).
Sinabi ni Ebrahim na sa pamamagitan ng tamang transition ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) sa BARMM ay maililipat ang revolutionary movement patungo sa isang government bureaucracy.
Magugunitang sinabi ng opisyal na sapat na ang kanilang apat na dekada na pakikibaka upang magamit na karanasan para punuan ang pagkukulang ng ARMM na naglalayong paunlarin hindi lamang ang Bangsamoro people subalit maging ang ibang tribu sa loob ng rehiyon.