BAGUIO CITY – Ipinagmamalaki ngayon ng Team Lakay ang mural painting ni Harold Banario na isa sa mga miyembro nito.
Hinangaan ni Team Lakay founder at head coach Mark Sangiao ang 13 by 24 feet mural work ni Banario.
Inilarawan naman ni Eduard Folayang bilang maganda ang artwork ni Banario.
Tinawag naman ni Kevin Belingon bilang “super ganda” ang nasabing mural painting.
Sinabi naman ni Geje Eustaquio na “guwapo” ang artwork ni Banario at umaasa ito na matatapos ang painting sa pinakamadaling panahon.
Makikita sa artwork ang walong dati at kasalukuyang kampeon na miyembro bg Team Lakay tulad ni Folayang, Belingon, Stephen Loman, Crisanto Pitpitunge, Eustaquio, Honorio Banario at Joshua Pacio gayundin ang kanilang coach na si Sangiao.
Ayon sa coach, malapit nang matapos ang mural painting ngunit makikitang hindi perpekto ang linya, kulay at surface nito ngunit iginiit niyang dito makikita ang tunay na kagandahan at kahulugan ng artwork.
Sinabi ni Sangiao na lumalarawan ito sa Team Lakay na nag-umpisa sa mababa ngunit ngayo’y masasabing isa na itong successful o matagumpay.
Inihayag niyang patunay lamang ito na hindi sagabal ang mga problema at kahinaan para makamit ang tagumpay.
Umaasa si Sangiao na magiging inspirasyon sa iba ang artwork ni Banario.
Tiniyak naman ni Harold Banario na agad niyang tatapusin ang nasabing mural painting at plano niyang ilagay dito ang iba pang mukha, kabilang na ang kanyang mismong mukha.
Kilala ang Team Lakay bilang martial arts group na nakabase sa Baguio City at tinagatawag itong premier martial arts collective sa Asia dahil sa mga miyembro nitong maituturing na world-class competitors.