Binigyang-diin ni Kabataan Partylist Representative Raoul Manuel na dapat maging available sa lahat ng sektor ang target na P29 kada kilo ng bigas.
Dapat aniya ay mabibili ito anumang oras at kahit saang lugar.
Ibig sabihin, iyon dapat ang umiral na presyo sa buong bansa.
Para kay Manuel, maituturing itong publicity stunt lamang ng administrasyon kung ang murang presyo ng bigas ay maipagkakaloob lang sa iilang grupo ng tao.
Kasunod ito ng anunsyo na ang pagtapyas sa taripa sa imported na bigas ay magreresulta sa pagbaba sa presyo ng bigas na inaasahang mararamdaman sa susunod na buwan.
Iginiit ng kongresista na ang paglalatag ng pangmatagalang solusyon para mapababa ang presyo ng bigas sa pamamagitan ng pagpapa-unlad sa lokal na produksyon at hindi palaging pagkonsidera sa importasyon.
Ang pagbebenta ng dekalidad na bigas ay mas mainam umano kung binili ito mismo sa sarili nating mga magsasaka at hindi inangkat sa ibang bansa.