Inatasan ng House Quinta Comm na kilala rin bilang Murang Pagkain Super Committee ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang mga middleman kaugnay ng mataas na presyo ng bigas sa mga palengke kahit na ibinaba na ang taripa ng imported na bigas.
Naghain ng mosyon si House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin upang makilala ang mga indibidwal at organisasyon na responsable sa mataas na presyo ng bigas.
Sumegunda naman si Cavite 2nd District Rep. Lani Mercado-Revilla na inaprubahan ni Albay 2nd District Rep. Joey Salceda, ang lead chair ng Quinta Comm.
Naghain ng mosyon si Garin matapos ang presentasyon ng Philippine Competition Commission (PCC) kaugnay ng mga kahinaan ng rice supply chain.
Tinanong ni Garin si Agriculture Secretary Francisco “Kiko” Tiu Laurel Jr. kung sino ang nagbabantay sa mga middleman.
Iginiit ni Garin ang kahalagahan na mapunan ang kakulangan sa Rice Tariffication Law na nag-alis ng kapangyarihan ng National Food Authority (NFA) na gumawa ng mga hakbang upang mapanatili ang presyo ng bigas.
Ikinadismaya ng mga mambabatas kung bakit ang presyo ng bigas ay nasa P55 hanggang P60 kada kilo gayong ibinaba na sa 15% mula sa 35% ang taripa sa imported na bigas.
Sinabi ni Garin na maaaring kinokontrol ng mga middleman ang suplay ng bigas upang makapagbenta sa mataas na presyo.
Batay sa mga datos, nawalan ng P13.3 bilyong kita ang gobyerno dahil sa pagbaba ng taripa na maaaring napunta lamang umano sa bulsa ng mga negosyante.