KORONADAL CITY – Mahaharap sa kasong murder at two counts of frustrated murder ang isang pulis na nag-amok at namaril kaninang madaling araw sa isang Apartelle sa Barangay Zone 3, Koronadal City na nagresulta sa pagkamatay ng isa at pagkasugat naman ng dalawang iba pa kabilang ang sariling nobya nito.
Ito ay matapos na naaresto ng kanyang kasamahan ang suspek sa Barangay Titulok, Bagumbayan, Sultan Kudarat at inilipat sa kustodiya ng Koronadal City PNP kagabi.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Lt. Col. Jardi Mont Sibal, commander ng South Cotabato PFMC, nakuha rin sa posisyon ng suspek na si Pat. Roland Looez ang kanyang dalawang service firearms kabilang ang M16 assault rifle na ginamit nito sa pamamaril.
Maalalang, nasawi ang kaibigan ng nobya nitong si Chaci Canlas, graduating student, at residente ng Isulan, Sultan Kudarat habang ang mga nasugatan ay ang karelasyon nitong si Joana Saptula na residente din Isulan Sultan Kudarat at ang nobyo naman ni Canlas na si Debie John Franco, 21, na taga-Purok Garcia , Brgy. Rotonda nitong lungsod.
Matinding selos naman ang tinitingnang motibo sa pamamaril ng suspek sa mga biktima.
Hustisya at pagpursige sa kaso naman ang hangad ng nga pamilya ng biktima.