-- Advertisements --

Umalma ang Philippine National Police (PNP) sa pahayag ni United Nations Special Rapporteur Agnes Callamard na isang kaso ng murder ang pagkakapatay ng mga pulis sa Grade 11 student na si Kian delos Santos habang nagsasagawa ng Oplan Galugad ang mga pulis sa Caloocan City.

Ayon kay PNP spokesman C/Supt. Dionardo Carlos, huwag munang husgahan ang kaso at mas makabubuti kung hahayaan munang gumulong ang imbestigasyon kaugnay sa kasong kriminal na isinampa sa apat na pulis.

Giit ng heneral na sana iwasan muna ng iba na magbigay agad ng konklusyon kaugnay sa kaso.

Hinimok pa ni Carlos si Callamard na hayaan ang mga pulis na inaakusahan na maidepensa ang kanilang mga sarili sa korte.

“Let us allow the formal criminal investigations to proceed and not rush into conclusion or judgment. Let us allow the police personnel involved to have their day in court and defend themselves,” pahayag ni Carlos.

Nilinaw din ni Carlos na ang kaso ni Kian ay hindi kumakatawan sa buong anti-drug campaign ng PNP.

“The Kian case does not represent the entire anti-drug campaign of the PNP. The PNP leadership will continue to support our personnel who continue to be true to their mandate but will not tolerate any wrongdoings or illegal acts by erring members,” dagdag pa ni Carlos.