CAGAYAN DE ORO CITY – Ikinatuwa ng mga abogado ng magpinsan na Christian pastors ang pagpabor ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa inihain na petition for review ukol sa impormasyon na ginamit ng government prosecutors para maihain ang kasong murder sa korte.
Kaugnay ito sa akusasyon na sina Pastor Demvir Andales at pinsan niya na si Jether Nonot ang nasa likod pagbaril-patay sa dating kalahok ng Mr. Cagayan de Oro na si Adriane Fornillos dahil sa umano’y issue ng crime of passion sa Barangay Nazareth noong May 2023.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ng kanyang abogado na si Atty Rhobert Maestre na isang kaunting tagumpay para sa kanilang kliyente ang kautusan ni Remulla na i-atras ang case information ng kasong murder na isinampa ng pulisya kasama ang ilang government prosecutors sa syudad.
Kaugnay nito, nasa kamay na ng korte kung ano ang maging desisyon sa dinidinig na kaso laban sa magpinsan na pastors.
Bagamat kampante sila na tuluyang mapawalang sala ang mga akusado dahil kulang ang mga basehan subalit dadaan pa ito ng proseso.
Magugunitang itinuro si Andales na nag-utos na patayin si Fornillos sapagkat sa sobrang selos nito o crime of passion dahil iisang babae lang ang kanilang pinag-iinteresan.