LEGAZPI CITY – Umaasa ang Pamilya Batocabe na magkakaroon rin ng pag-usad ang reklamong double murder at multiple frustrated murder laban kay Daraga Mayor Carlwyn Baldo na itinuturong “mastermind” sa pagkamatay ni AKB Party-list Cong. Rodel Batocabe.
Ito ay matapos na mag-isyu ang prosekusyon ng isang resolusyon na naghahayag ng probable cause para sa illegal possession of firearms and ammunition na kinakaharap ni Baldo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Atty. Justin Batocabe, panganay na anak ng mambabatas, natatagalan ang kaso dahil sa “delaying tactics” ng kampo ng alkalde.
Ayon sa nakababatang Batocabe, napag-alaman umano na nais na namang ipa-inhibit ng kampo ng alkalde ang mga prosecutor sa Camarines Sur matapos na maaprubahan ang motion to inhibit ng prosekusyon sa Albay.
Nangangamba kasi umano ang kampo sa alegasyon na pakikialam sa kaso ni Justice Usec. Mark Perete na pinsan naman ni Vice Mayor Victor Perete na hindi umano maintindihan ni Atty. Justin.
Naniniwala naman ang pamilya na may isang abogado sa Legazpi City na umano’y nakikialam sa kaso kahit hindi naman kasama sa legal team ni Baldo, ayon sa kumpirmasyon ng isang opisyal ng PNP Legal Services Division.
Sa kabila nito, giit ng pamilya ang tiwala sa sistema ng hustisya at maghihintay sa resulta ng kaso ng ama.