COTABATO CITY – Binawian ng buhay ang isang wanted person nang manlaban sa mga otoridad sa lalawigan ng Maguindanao.
Nakilala ang nasawi na si Oting Sawal na residente ng Barangay Kidama, Matanog, Maguindanao.
Ayon kay Maguindanao Police Provincial director Col. Donald Madamba na ni-raid ng pinagsanib na pwersa ng Criminal Investigation and Detection Group-Bangsamoro Autonomous Region (CIDG-BAR Maguindanao Field Unit ) sa pamumuno ni Major Esmael Madin katuwang ang mga tauhan ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, Philippine Coast Guard, Tactical Operations Group-12 ng Philippine Air Force at Matanog Municipal Police Staion ang tahanan ng suspek sa mga tinataguang armas at shabu.
Papasok pa lang ang raiding team sa kanilang target ay pinaputukan na ito ng suspek.
Napilitan ang mga pulis na gumanti ng putok at nasawi si Sawal.
Narekober sa posisyon ng suspek ang isang .30 caliber carbine, mga bala at magasin.
Sinabi ni CIDG-BAR Maguindanao Field Unit Commander Major Esmael Madin na si Sawal ay suspek rin sa pagpatay kay Christopher Aldamar noong Hunyo 6, 2021 sa Barangay Sapad sa bayan ng Matanog.
Sa ngayon ay pinaigting pa ng Maguindanao PNP at CIDG-BAR ang operasyon laban sa mga wanted person, armed lawless group at iba pa.