Nakaisa na rin ng panalo ang Denver Nuggets matapos na masilat ang Los Angeles Lakers sa Game 3, 114-106.
Gayunman abanse pa rin ang Lakers, 2-1 sa kanilang best-of-seven series sa Western Conference finals.
Bumida sa pagbangon ng Denver si Jamal Murray na kumamada ng 28 points at 12 assists.
Ang dalawang three pointers ni Murray ay malaking tulong din upang rendahan ang huling pagtatangka ng LA sa fourth quarter.
Muntik na kasing masayang ang 20 points na kalamangan ng Nuggets sa fourth quarter dahil sa 19-2 rally ng Lakers.
Mula sa pagsisimula ng first quarter ay agad na nakalamang ang Nuggets hanggang sa pagtatapos ng first half sa 63-53.
Kumayod naman ng husto para sa Nuggets si Jerami Grant na umeksena gamit ang kanyang playoff career-high na 26 points at ang big man na si Nikola Jokic ay nagpasok ng 22 points at 10 rebounds.
Sa kampo ng Lakers muli na namang nakapagtala ng triple double performance si LeBron James na nagtapos sa 30 points, 11 assists at 10 rebounds.
Batay sa NBA record ito na ang ika-26th playoff triple-double ni King James.
Si Anthony Davis, na siyang susi sa winning three-pointer sa Game 2 ay nasayang din ang 27 points.
Nagkulang naman sa kanilang kontribusyon ang nasa first team na sina Danny Green at JaValee McGee na meron lamang tig-apat na puntos.
Aminado naman si James na inalat sila ng husto mula sa first quarter hanggang third quarter.
“We played some pretty good ball in the fourth quarter,” ani LeBron. “But those first 36 minutes that hurt us obviously.”
Samantala sa darating na Biyernes target ng Nuggets na maitabla ang serye sa Game 4.
Habang ang Lakers, hangad naman ang dalawang panalo para umusad na sila sa unang NBA Finals appearance sa loob ng isang dekada.