BAGUIO CITY – Naniniwala ang OPM (Organisasyon ng mga Pilipinong Mang-aawit) acoustic sensation na si Juris Fernandez na kayang malagpasan ng mga nasa industriya ng musika ang kinakaharap nilang krisis sa panahon ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ito’y kahit naging isang malaking hamon aniya ang pandemya sa bawat isa dahil marami ang nawalan ng trabaho sa halos nakalipas na tatlong buwan.
Sa exclusive interview ng Star FM Baguio kay Juris, sinabi nito na napakaganda ng mga nagaganap na fundraising online concerts at hinikayat nito ang iba pang nasa industriya na gumawa pa ng mga ibang pagkakaabalahan bilang tugon sa krisis.
“Para sa mga musician, kasi marami kaming musicians talaga na affected so we were raising funds for that. Everything naman na plano ni God, maganda naman ang ending. Sa ngayon, maraming mga sariling sikap, kanya-kanyang mga pagkakaabalahan. Wherever it will lead you, kung ano ‘yung mga pwede niyong gawin para masuportahan niyo pamilya niyo, tuloy-tuloy lang natin ‘yan, because everybody is on the same page and pati sa mga ibang kababayan natin, hindi lang po sa mga musikero, malalampasan natin ito.”
Maliban sa pakikibahagi sa mga online concerts para sa mga apektado ng COVID-19 at mga displaced musicians, nagkaroon din ang “Di Lang Ikaw” singer ng benefit concert para sa kambal na anak ng kaniyang gitarista na si Mic Llave.