-- Advertisements --

Sumakabilang buhay na si Phil Spector, ang tanyag na rock producer na nahatulang guilty sa pagpatay sa isang Hollywood actress noong 2003, sa edad na 81 dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa pahayag mula sa California Department of Corrections, pumanaw sa natural na dahilan si Spector bandang alas-6:35 ng gabi sa isang hindi tinukoy na ospital.

Aalamin naman ng medical examiner sa San Joaquin County Sheriff’s Office ang kanyang official cause of death.

Si Spector ang nag-produce sa 20 top 40 hits noong mga taong 1961 hanggang 1965 kung saan nakatrabaho rin nito ang Beatles sa “Let It Be,” maging sina Leonard Cohen, ang Righteous Brothers at Ike and Tina Turner.

Na-diagnose itong may COVID-19 apat na linggo na ang nakalilipas at inilipat sa isang ospital mula sa kanyang piitan, kung saan pinagsisilbihan nito ang 19 taong life sentence dahil sa pagpatay sa aktres na si Lana Clarkson.

Noong 2009 nang mahatulang guilty si Spector sa pagpaslang kay Clarkson sa mansyon nito sa Alhambra sa Los Angeles, na nangyari noong Pebrero 2003.

Si Clarkson ay nakilala sa kanyang papel sa pelikulang “Barbarian Queen.” (NBC News)