BAGUIO CITY – Umaasa ang 8th placer sa 2019 Bar examinations mula Baguio City na makakapagsilbi ito sa mga nangangailangang mamamayan bilang isang pribadong lawyer gaya ng kanyang amang abogado na dating opisyal ng Baguio City.
Ayon kay Atty. Anton Luis Arevalo Avila, hindi niya pinangarap maging abogado ngunit nahikayat itong kumuha ng abogasya matapos masaksihan kung paano nakatulong ang kanyang ama sa maraming nangangailangan.
Aniya, karangalan masama sa Top 10 ng Bar exams bagaman noong nakaraang linggo ay naghanda na ito ng plano, partikular ng step-by-step process kung paano niya tatanggapin kung sakaling bumagsak ito sa eksaminasyon.
Batay sa inilabas ng SC na resulta ng 2019 Bar exams, nakakuha si Atty. Avila ng 87.58 percent.
Ayon naman sa kanyang ama na si Atty. Edgar Avila, dating konsehal ng Baguio City, deserve ng kanyang anak ang natamo nito dahil pinaghirapan nito ang pag-aaral para maging abogado.
Pinuri din niya ang kanyang anak dahil sa kabila ng pagiging working student, aktibo sa extra-curricular activities at musikero nito ay hindi nito napabayaan ang kanyang pag-aaral sa law school.