Naniniwala ang isang kilalang political analyst at propesor na napapanahon na umano para amyendahan ang Mutual Defense Treaty (MDT) sa pagitan ng Estados Unidos at Pilipinas.
Kasunod pa rin ito ng magkakasalungat na opinyon ng mga opisyal ng gobyerno ng Pilipinas hinggil sa halod pitong dekada nang kasunduan sa pagitan ng dalawang bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay UP Department of Political Science professor Dr. Clarita Carlos, bagama’t ikinalugod nito ang pahayag ni US Secretary of State Michael Pompeo na kakampihan ng Washington ang Pilipinas sakaling magkaroon ng giyera sa West Philippine Sea, hindi raw ito saklaw ng nasabing kasunduan.
Nangangailangan din umano ito ng malawakang usapan sa pagitan nina Defense Sec. Delfin Lorenzana at sa kanyang mga counterparts sa Amerika.
Sinabi rin ng propesor na kailangan din umano ang partisipasyon ng mga Senado ng Pilipinas at Estados Unidos sa pag-amyenda sa naturang tratado.
“Kailangan talagang palitan kasi ‘pag ni-review mo ‘yun, parang gusto nating mangyari ay parang sa NATO na may automaticity na kapag inatake tayo, tatakbo ang Amerika, hindi ‘yung pag-aaralan pa ng Kongreso nila. Ang tagal-tagal nu’n baka malipol na tayong lahat nu’n,” wika ni Carlos.
“Siguro talagang nasa interes ng Amerika ‘yung kanyang alyansa ay ‘di solid. Pero para maging solid ‘yun kailangang magbigay siya ng assurance na kapag naatake tayo ay tatakbo siya [para depensahan tayo].”
Una rito, sinabi ni Lorenzana na kailangang repasuhin ang MDT dahil ilan umano sa mga probisyon nito ang malabo kaya kailangang baguhin.
Ngunit sa pahayag naman ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin, hindi na raw ito kailangan dahil sa ibinigay na garantiya ng Estados Unidos.