-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Halos 1,600 na mga turista mula sa dumaong na cruise ship na MV Norwegian Jewel ng Norwegian Cruise Line ang dumagdag sa tourist arrival sa isla ng Boracay sa unang lingo ng buwan ng Nobyembre.

Ayon kay Senior Chief Petty Officer Dominador Salvino, deputy commander for operation ng Philippine Coast Guard (PCG) Aklan na naging matiwasay ang paglilibot ng mga turista sa isla kung saan, sinubukan pa ng ilan sa kanila ang mga ipinagmamalaking watersports activities ng mga organized watersports association sa Boracay.

Dagdag pa ni Salvino na sinalubong ang bisita ng cultural performance ng Kalibo Sto. Niño Ati-Atihan Festival tribe at binigyan ng mga souvenir items.

Nauna nang kinumpirma ng Aklan provincial government na muling babalik sa Boracay ang nasabing cruise ship sa Nobyembre 29 at Disyembre 1.

Inaasahan naman na lima pang international cruise ships mula sa Europe at America na magdadala ng nasa 10,000 na mga pasahero ang dadaaong sa isla ng Boracay bago matapos ang kasalukuyang taon.