Pinaniniwalaang lumubog na ang M/V Tutor na inatake ng Houthi rebels sa Red Sea noong Hunyo 12.
Base sa update mula sa United Kingdom Maritime Operations (UKMTO) office nitong Martes, iniulat ng military authorities na namataan ang mga debris at oil spill sa huling lokasyon ng MV Tutor.
Inisyal ng napaulat na tinamaan ang naturang cargo ship ng missiles at explosive-laden remote-controlled boat habang naglalayag sa Southern Red Sea. Kalaunan, tinamaan sa ikalawang pagkakataon ang barko ng isang hindi pa natutukoy na airborne projectile.
Ang naturang insidente ay ang unang pagkakataon na matagumpay na ginamit ng Houthis ang isang unmanned surface vessel sa kanilang pag-atake.
Ito na rin ang ikalawang commercial vessel na pinalubog ng Houthis simula ng maglunsad ng mga pag-atake ang rebeldeng grupo sa mga merchant ships noong Nobiyembre bilang pakikiisa sa mga Palestinong naiipit sa giyera sa Gaza.
Samantala, bago pa man mapaulat na lumubog ang cargo ship, nauna ng nasagip noong araw ng Sabado, Hunyo 15 ang mga tripulanteng sakay ng MV Tutor kabilang ang 21 Pilipinong seafarer habang may isang Pinoy naman na nawawala at pinaniniwalaang nasawi batay sa kumpirmasyon ng White House kahapon matapos ma-trap sa engine room ng barko matapos ang pag-atake ng Houthi rebels.
Sa ngayon, hindi pa batid kung nahanap o narekober ang nawawalang Pinoy seafarer bago lumubog ang MV Tutor.