Hiniling ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa National Water Resources Board (NWRB) ang pagpapatigil sa una nitong ginawang pagpapakawala ng tubig mula sa Angat Dam.
Maalalang nitong araw ng Huwebes ay binuksan ang isang gate ng Angat Dam matapos nitong malagpasan ang normal high na 212 meters.
MWSS division manager Patrick Dizon, sumulat na sila sa NWRB kahapon upang hilingin na itigil ang pagpapakawala ng tubig at i-mentene ang 214 meters.
Ito ay upang magkaroon ng reserbang tubig para sa El Nino na tiyak pang mararanasan sa susunod na taon.
Ayon kay Dizon, ang spill gates ng Angat ay dapat sanang buksan lamang kung naabot na ang 214 meters na lebel ng tubig nito. Ito aniya ay upang makalikom ng extra na reserbang tubig para sa tagtuyot.
Una nang sinabi ng National Power Corp.-Angat Dam office na ang pagpapakawala nila ng tubig ay upang mamentene ang ‘safe level’ ng tubig dahil sa inaasahang pagtaas ng tubig dulot ng mga pag-ulan.
Ang Angat Dam ang nagsusuply ng hanggang 90% sa konsumong tubig ng Metro Manila. Ito rin ang nagsusuply ng tubig sa humigit kumulang 25,000 na ektarya ng mga palayan sa Bulacan at Pampanga.