-- Advertisements --

Iginiit ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na mahigpit silang sumusunod sa proseso ng free, prior and informed consent (FPIC) matapos na tuligsain at magsagawa ng kilos-protesta para sa pagtutol sa Kaliwa Dam ang mga pinuno ng katutubong Dumagat-Remontado nang lagdaan ng ahensya ang memorandum of agreement para sa naturang proyekto.

Sinabi ng project manager nito na si Jonathan Lamug, na nagsagawa sila ng konsultasyon at boluntaryo aniyang ibinigay ng IP community ang kanilang pahintulot sa pamamagitan ng kanilang sariling decision-making process alinsunod sa kanilang mga nakaugaliang batas.

Ayon kasi sa mga kritiko, ang mga pirma umano ng mga kinauukulan sa nasabing agreement ay pawang mga pre-selected, at ang mga community members anila na tutol dito ay hindi kasama sa nasabing negosasyon dahilan kung bakit maituturing daw na nilabag ng MWSS ang proseso ng FPIC.

Bukod dito ay sinabi din ng mga kinatawan ng katutubong Dumagat sa Quezon province na sa pagkakaalam daw nila, ang MOA validation at drafting lamang ng community royalty development project ang isasagawa sa isang linggong pagtitipon noong nakaraang buwan.

Magugunita na noong huling bahagi ng buwan ng Enero ay nilagdaan ng mga katutubong Dumagat sa Quezon Province ang naturang kasunduan sa Kaliwa Dam project habang noong buwan naman ng Disyembre noong nakaraang taon nang lagdaan ito ng pamayanan ng mga katutubong nagmula naman sa Rizal province.