Nakiusap si Senate Public Services Chairperson Grace Poe sa sa state regulator ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na gumawa ng agarang aksyon sa nakatakdang water service interruption na makaaapekto sa halos 600,000 consumers ng Maynila Water Service Inc. simula July 12 araw ng Miyerkules.
Hindi katanggap-tanggap aniya ang hakbang na ito na tatamaan ang mahigit sa kalahating milyon na mga kababayan.
Giit pa ng Senadora, hindi dapat inuupuan lamang ito ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System dahil dumarami na ang apektado sa water interruption at humahaba ang oras nito.
Nauna ng inanunsyo ng Maynilad na makararanas ng siyam na oras na water interruption sa gabi ang kanilang mga customer simula July 12 dahil sa pagbaba ng water level sa Angat Dam.
Iminungkahi ni Poe sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System na kailangan na determinahin ng ahensya kung ang Maynilad ay ginagawa ang nararapat na obligasyon na naaayon sa kanilang prangkisa.
Sa ganitong sitwasyon ay dapat proactive ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System.
Dagdag pa ng senadora na hindi dapat umaasa na lamang sa lakas ng buhos ng ulan at kapag may water shortage laging isinisisi ito sa Angat Dam.