Pinag-iisipang ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System na bawasan ang water pressure ng concessionaires sa Metro Manila dahil sa patuloy na pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam dahil sa epekto ng El Niño.
Ayon kay MWSS spokesperson Engineer Patrick Dizon na tinalakay na nila ito at ng National Water Resources Board (NWRB) sa layuning mapagaan ang pagkonsumo ng tubig ng mga mamimili at, kasabay nito, mapanatili ang elevation ng tubig sa Angat Dam.
Gayunpaman, nilinaw niya na wala pang pinal na desisyon sa panukala.
Batay sa state weather bureau, kaninang alas-6 ng umaga, bumaba ang reservoir water level sa Angat Dam sa 201.70 meters mula sa 201.93 meters noong Sabado.
Ang Angat Dam ay may normal na mataas na lebel ng tubig na 212.00 meters.
Ani Dizon, iniiwasan nilang bumagsak ang elevation ng reservoir hanggag 180 meters dahil sa oras na mangyare ito, kakaunti na lang ang mailalabas na supply para sa mga irigasyon.
Sakaling magkaroon naman ng water interruption, sinabi naman ni Dizon na nakipag-usap na ang MWSS sa west zone concessionaire Maynilad Water Services Inc. (Maynilad) at east zone concessionaire Manila Water Company Inc. para i-concentrate ito sa pagitan ng alas-8 ng gabi. o 10 p.m. hanggang 4 a.m.
Ayon naman sa state weather bureau, ang El Niño ay magpapatuloy hanggang Marso-Abril-Mayo 2024, na may 74% na posibilidad ng transition sa El Niño–Southern Oscillation (ENSO) neutral conditions sa Abril-Mayo-Hunyo 2024.