Nagbabala ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System Regulatory Office (MWSS-RO) sa Maynilad Water Services Inc. ng sanctions at penalties sakaling mabigong maresolba ang isyu sa water service interruptions at kalidad ng tubig na nakaapekto sa mga komukonsumo ng tubig sa Muntinlupa, Las Piñas, Parañaque, at ilang lugar sa Cavite.
Magugunita na mula noong June 2 ng kasalukuyang taon, nag-abiso ang Maynilad hinggil sa water service interruption kung saan inaabot ng walo hanggang 18 oras bawat araw na walang suplay ng tubig sa mga kabahayan.
Kaugnay nito, nag-isyu ang MWSS-RO ng isang Notice to Explain sa Maynilad dahil sa dumaraming reklamo mula sa mga customers.
Isinisi naman ng kompaniya sa algal bloom o ang discoloration sa tubig mula sa pisments ng algae sa Laguna Lake na dahilan kung bakit nito ipinatupad ang water service interruption sa Putatan treatment plant supply zone.
Naalarma naman ang MWSS-RO sa naturang isyu dahil nananatili paring hindi nareresolba ang naturang isyu sa kabila ng kasalukuyang alokasyon na mahigit 2,400 million liters kada araw sa Novaliches Portal at implementasyon ng measures para maibsan ang impact ng hindi magandang kalidad ng tubig sa palibot ng Putatan Water Treatment Plant.
Ayon sa MWSS, nangako ang Maynilad na kanilang target na maisaayos ang produksyon ng suplay ng tubig sa Hunyuo 11 at maipagpatuloy ang full production ng hindi lalagpas ng June 15.
Maaalala na noong nakalipas na Pebrero ng kasalukuyang taon, pinatawan ng MWSS-RO ng financial penalty na nagkakahalaga ng P63.97 million ang Maynilad dahil sa water service interruption sa supply zone ng Putatan Water Treatment Plant mula noong December 2021 hanggang Pebrero 2022.
-- Advertisements --