-- Advertisements --

Siniguro ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na nananatiling sapat ang supply ng tubig sa kabila ng tuloy-tuloy na pagbaba ng antas ng tubig sa Angat Dam.

Ang naturang dam ang nagsusuply ng malinis na tubig sa malaking bahagi ng Metro Manila at iba pang karatig-probinsya.

Batay sa datos na inilabas ng Angat Dam management, nasa 205.3 meters na lamang ang lebel ng tubig sa naturang dam. Ito ay halos pitong metro na mas mababa kumpara sa normal high water level (NHWL) nito.

Lumalabas na aabot sa 27 centimeters ang average daily drop o arawang pagbaba ng antas ng tubig nito, mula noong nagsimula ang mainit na panahon, hudyat ng pagpasok ng dry season sa bansa.

Pero giit ni MWSS department manager Patrick Dizon, normal lamang ang malakihang pagbagsak sa lebel ng tubig sa naturang dam sa tuwing tag-tuyot, dahil na rin sa matinding init ng panahon.

Sa katunayan aniya, inaasahang magpapatuloy ito hanggang sasecond half ng kasalukuyang taon.

Una na rin aniyang tiniyak ng National Water Resources Board na mabibigyan ang Metro Manila ng sapat na water allocation.

Siyamnapung (90) porsyento ng potable water na kinukunsomo sa Metro Manila ay nagmumula sa Angat Dam, habang sinusuplayan din ng dam ang kabuuang 25,000 ektarya ng mga sakahan sa mga probinsya ng Bulacan at Pampanga.