-- Advertisements --

Taliwas sa pagtaya ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), nagpahayag ng kumpiyansa ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na magiging sapat ang suplay ng tubig sa bansa sa susunod na taon sa kabila ng banta ng El Niño.

Ayon kay MWSS District Manager Engineer Patrick Dizon, isang taon nilang pinaghandaan ito at iniulat ng MWSS na nalampasan nito ang target na koleksyon nito sa Angat Reservoir na may 214 metrong magagamit na tubig sa El Niño  .

Ginawa ng ahensiya ang pahayag matapos magbabala ang DENR sa mga posibleng isyu sa suplay ng tubig sakaling mabigo ang publiko na makatipid ng tubig sa panahon ng El Niño phenomenon

Sinabi ni Dizon na bagama’t maaaring bumaba ang tubig sa Angat Dam kaysa sa normal na operating level na 180 meters sa kasagsagan ng El Niño, ang supply ay mapupuno sa tag-ulan sa Hunyo batay sa pagtataya ng state weather bureau.

Sakaling lumagpas aniya ang El Niño phenomenon, magpapatupad ang MWSS ng mga karagdagang hakbang upang maiwasang mangyari ulit ang krisis sa tubig noong 2019.

Sa parte naman ng mga water concessionaires na Maynilad at Manila Water, handa ang kanilang mga pasilidad na magbigay ng karagdagang tubig sakaling kailanganin.

Una rito, naglabas si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Martes ng Executive Order na muling nagsasaaktibo sa El Niño Task Force upang tugunan ang napipintong matagal na tagtuyot at paghandaan ang posibleng pagtama nito sa unang kalahati ng taong 2024.