Sinibak na sa puwesto ang ambassador ng Myanmar sa United Nations, isang araw matapos nitong magpasaklolo sa UN para alisin sa kapangyarihan ang mga military leaders na nagsagawa ng kudeta.
Sinabi ng Myanmar state broadcaster MRTV na pinagtaksilan umano ni Ambassador Kyaw Moe Tun ang bansa at nagsalita para sa hindi opisyal na organisasyon na hindi kumakatawan sa bansa.
Inabuso rin daw ng ambassador ang kapangyarihan at responsibilidad nito bilang ambassador.
Una rito, sinabi ni Kyaw Moe Tun sa UN General Assembly na nagsasalita ito sa ngalan ng gobyerno ng nakakulong na si Aung San Suu Kyi.
“We need further strongest possible action from the international community to immediately end the military coup,” wika nito.
Kung maaalala, Pebrero 1 nang magsagawa ng kudeta ang militar sa Myanmar at dinampot si Suu Kyi at iba pang mga civilian leaders.
Iginiit ng militar na talamak umano ang pandaraya sa nangyaring halalan noong Nobyembre, kahit inihayag na ng election commission na patas ang botohan. (Al Jazeera/ BBC)