Umapela umano ang Myanmar sa India na ibalik ang ilang mga pulis na tumakas upang makaiwas sa pagtanggap ng utos sa military junta na naglunsad ng kudeta noong nakalipas na buwan.
Ayon kay Maria C.T. Zuali, deputy commissioner Champhai, isang district sa estado ng Mizoram sa India, nakatanggap daw siya ng liham sa kanyang counterpart sa Falam district sa Myanmar na humihiling na ibalik ang walong pulis upang mapagtibay ang relasyon ng dalawang bansa.
Hinihintay na lamang aniya nito ang magiging direktiba ng Ministry for Home Affairs sa New Delhi.
Bagama’t mayroon nang napaulat na may ilang pulis ang nakikilahok sa civil disobedience movement laban sa junta, sinasabing ito ang unang kaso ng pulis na tumakas sa Myanmar.
“In order to uphold friendly relations between the two neighbour countries, you are kindly requested to detain 8 Myanmar police personnel who had arrived to Indian territories and hand-over to Myanmar,” saad sa liham. (Reuters)