-- Advertisements --

Nagdeklara ng ceasefire ang militar ng Myanmar kasunod ng magnitude 7.7 na lindol na kumitil ng mahigit 3,000 buhay at nagdulot ng matinding pinsala sa rehiyong tinitirhan ng 28 milyong katao.

Maraming gusali ang gumuho, at libu-libong residente ang walang pagkain, tubig, at masisilungan.

Sa kabila ng ceasefire, inirereklamo ng mga humanitarian groups ang mahigpit na seguridad ng junta, na nagpapabagal sa relief operations.

Ayon sa International Rescue Committee, punuan ang mga ospital, kulang ang gamot, at lumalaki ang banta ng sakit mula sa maruming tubig. Sa Mandalay, iniulat ng Médecins Sans Frontières (MSF) na 500 gusali ang tuluyang nagiba at 800 pa ang nasira.

Samantala, aalis ngayong Huwebes si junta leader Min Aung Hlaing patungong Thailand para sa isang regional summit kasama ang mga lider ng India, Bangladesh, at Thailand.

Itinuturing itong bihirang foreign trip ng heneral na may kinakaharap na international sanctions at isang ICC investigation. Hindi siya pinapayagang dumalo sa mga pulong ng ASEAN.

Agad namang nagpadala ng rescue teams at ₱13.76 milyon halaga ng tulong ang China, ngunit ayon sa mga ulat, pinapahirapan ng junta ang relief operations.

Sa isang insidente, nagpaputok umano ang militar ng warning shots sa isang convoy ng Chinese Red Cross na dumaan sa isang conflict zone nang walang abiso.

Nanawagan ang Human Rights Watch na payagan ang malayang pagpasok ng humanitarian aid at sinabing hindi mapagkakatiwalaan ang junta sa disaster response.

Samantala, sa kabila ng trahedya, iniulat na abala ang mga awtoridad sa Mandalay sa paghahanda para sa selebrasyon ng Thingyan water festival, habang maraming bangkay pa ang hindi natatanggal mula sa mga gumuhong gusali. (report by Bombo Jai)