-- Advertisements --

Nag-alay ang Myanmar ng isang minutong katahimikan ngayong araw para ipagluksa ang mga nasawi sa tumamang malakas na magnitude 7.7 na lindol.

Bandang 12:51 ng tanghali local time o 2:21 ng hapon, oras sa Pilipinas, tumunog ang sirena na hudyat ng pag-aalay ng isang minutong katahimikan.

Ang eksaktong sandali na ito kasi tumama ang malakas na lindol noong araw ng Biyernes, Marso 28.

Nakibahagi sa paga-alay ng isang minutong katahimikan ang mga rescue team na nasa mismong lugar kung nasaan ang gumuhong Sky Villa condo sa Mandalay, malapit sa episentro ng lindol at mga miyembro ng mga pamilya sa lugar na tahimik na nakatayo at nagbigay pugay sa mga biktima ng lindol.

Ilan din ang sumaludo bago matapos ang siren.

Nauna na ngang nanawagan ang military junta sa mamamayan ng Myanmar na makiisa sa pagaalay ng isang minutong katahimikan dakong 12:51 pm ngayong araw bilang pagalala sa mga namayapang biktima ng lindol.

Base sa pinakahuling ulat mula sa military government ng Myanmar, pumalo na sa mahigit 2,000 ang nasawi mula sa lindol kung saan karamihan sa mga ito ay sa Mandalay, ang ikalawang pinakamalaking siyudad sa Myanmar.