-- Advertisements --

Hinatulang guilty sa korupsyon at sinentensiyahan ng limang taong pagkakakulong ng Myanmar junta court ang pinatalsik na civilian leader ng Myanmar na si Aung San Suu Kyi.

Sa latest case ng dating Myanmar leader na nanatili sa kustodiya ng military junta mula noong mapatalsik siya sa gobyerno dahil sa military coup deta’t, inakusahan si Suu Kyi ng pagtanggap umano ng suhol na nagkakahalaga ng $600,000 cash at gold bars.

Maliban dito, humaharap din si Suu kyi sa iba pang criminal charges kabilang dito ang paglabag sa official secrets act, corruption at electoral fraud at maaaring makulong ng mahigit 100 taon kung ito ay mahatulang convicted sa lahat ng kinakaharap nitong kaso.

Nauna ng nasentensiyahan ang 76-anyos na si Suu Kyi ng anim na taon dahil sa incitement laban sa militar, paglabag sa COVID-19 rules at paglabag sa telecommunications law.

Bago pa ang mga kontrobersiya na kinakaharap ng dating leader, naging Nobel Peace prize winner din si Suu Kyi noong 1991 bilang pagkilala sa kaniyang katapangan sa pakikipaglaban para sa demokrasiya ng bansang Myanmar.