Sinampahan na ng patung-patong na kaso ng pulisya sa Myanmar si State Counsellor Aung San Suu Kyi kasunod ng nangyaring kudeta noong Lunes.
Batay sa isang police document, ang paghahain ng reklamo laban sa 75-anyos na si Suu Kyi ay dahil sa umano’y iligal na pag-import nito ng communications equipment.
Nakalahad pa sa dokumento na anim na walkie-talkie radio ang sinasabing natagpuan sa bahay ng napatalsik na lider sa Naypyidaw.
Mananatili rin daw nakakulong si Suu Kyi hanggang Pebrero 15 para sa gagawing imbestigasyon.
Maliban kay Suu Kyi, kinasuhan din ng pulisya si President Win Myint para sa paglabag sa protocols upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus sa isinagawang kampanya para sa eleksyon noong Nobyembre.
Bagama’t nagwagi sa naturang halalan ang National League for Democracy (NLD) na partido ni Suu Kyi, inihayag ng militar na may nangyari umanong dayaan, dahilan kaya napilitan umano silang agawin ang kapangyarihan.
Ayon naman kay Charles Santiago, chair ng ASEAN (Association of Southeast Asian Nations) Parliamentarians for Human Rights, pawang kalokohan lamang umano ang mga reklamong inihain sa mga lider ng Myanmar.
“This is an absurd move by the junta to try to legitimize their illegal power grab,” saad nito sa isang pahayag.
Maging ang electoral commission ay una na ring sinabi na walang nangyaring pandaraya sa ginanap na halalan. (Reuters)