-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Natukoy ng mga otoridad na mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang dalawa sa pinatay sa probinsya ng Cotabato.

Ang mga nasawi na sina Mamukan Kanlon Salanggao, 31, may-asawa at kanyang kapatid na si Romano Kanlon Salanggao, 27, binata at mga residente ng Barangay Poblacion 3, Midsayap, Cotabato ay mga tauhan ni Kumander Kagui Karialan ng BIFF Karialan faction.

Habang ang isa na si Darwin Pama Sabes na taga Barangay Poblacion 1, Midsayap, Cotabato ay asset daw ng militar at facilitator sa planong pagsuko ng magkapatid.

Ito mismo ang sinabi ni Police Senior Master Sergeant Randy Hampac tagapagsalita ng Aleosan PNP.

Dagdag ni Hampac na si Sabes ay kasama sa mga tumulong sa negosasyon sa pagsuko ng magkapatid ngunit naantala dahil sa mga kinahaharap nitong kaso.

Matatandaan na pinababa ng mga suspek ang mga biktima sa isang SUV sa Purok J, Barangay Dualing, Aleosan, Cotabato at pinagbabaril.

Patay on the spot ang mga biktima na nagtamo ng tama ng bala sa kanilang ulo.

Sa ngayon ay lumilinaw na ang imbestigasyon ng Aleosan PNP sa pamamaslang sa mga biktima.