CENTRAL MINDANAO – Ipinag-utos ni Governor Cotabato Governor Nancy Catamco ang pagpapaigting ng koordinasyon ng Office of the Provincial Veterinarian (OPVET) sa mga LGU at iba pang ahensya ng pamahalaan upang di na madagdagan ang pinsalang hatid ng African Swine Fever (ASF) sa probinsya.
Abot na sa 1,322 na ang kabuuang bilang ng baboy na na-depopulate o kinitil ang buhay basi sa report na inilabas ng Office of the Provincial Veterinary (OPVET).
Tinatayang mahigit sa P6.6 milyong ang na rin ang danyos na dulot ng ASF sa probinsya.
Sinabi ni OPVET chief, Dr Rufino Sorupia, nakitaan na rin ng positibong kaso ng ASF ang Barangay Tumanding, Sitio sentro Purok side A at Side B, basi sa resulta ng blood sampling na lumabas noong Agosto 6.
Aabot na sa 301 ang bilang ng mga baboy na na-depopulate sa nabanggit na barangay.
Agad nailunsad ang depopulation ng baboy kaakibat ang LGU Arakan at mga kinatawan ng Municipal Agriculturist at ang LGU veterinarian.
Ipinaliwanag ni Dr Sorupia, na nagkaroon ng asembliya sa mga hog raiser at ipinaalam sa kanila ang plano ng pamahalaan kaugnay sa pagsugpo ng ASF.
Nakapaglunsad naman ng blood sampling sa Barangay Poblacion ng President Roxas ang OPVET matapos makitaan ng sintomas ang mga baboy sa Purok 8.
Inaasahan ang mabilisang pagkilos ng OPVET sa oras na makumpirma na positibo na sa ASF ang lugar. Una nang nagpositibo sa ASF ang 12 Barangay ng Magpet at Lanao Kuran ng Arakan.
Basi sa ginanap na pulong ng provincial government at ng kinaukulang ahensya, kakailanganin na ang pagkilos ng mga barangay opisyales at barangay workers upang mapigilan ang pagkalat ng ASF.
Ipinag utos na rin ng gobernadora ang istriktong pagmanman sa mga ASF checkpoints upang ‘di maibyahe ang mga baboy at mga produkto nito mula sa infected areas at mapigilan ang pagpasok nito sa probinsya.
Nabatid mula sa imbestigasyon ng OPVETT na ang kontaminasyon nitong huli at galing pa rin sa panindang chorizo mula sa Davao City na nagawang nakapasok sa Arakan nang maipuslit ito sa Barangay Katipunan
Hiling ng gobernadora sa lahat ng nag aalaga ng mga baboy, na agad mag-report sa tanggapan ng LGU sakaling may maobserbahan na sinat sa kanilang alaga
Patuloy naman ang blood sampling na ginagawa ng OPVET at ang mga LGU.