ROXAS CITY – Nagdeklara ang alkalde ng Pontevedra, Capiz, na isailalim sa state of alert ang nasabing bayan dahil sa novel coronavirus (nCoV).
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Mayor Esteban Evan Contreras, inamin nito na may dalawang babae itong naging pasyente sa kanyang klinika na galing sa Hong Kong na nakaranas ng pag-ubo, lagnat at pananakit ng kalamnan.
Inabisuhan ng alkalde ang dalawa na obserbahan ang sarili at sakaling lumala ang nararamdaman ay agad pumunta sa ospital para mas masuri sila ng mabuti.
Isang linggo pa lamang ang nakakaraan mula ng dumating ang nasabing mga babae sa Lungsod ng Roxas para magbakasyon.
Nabatid na tinatawagan na diumano ang dalawa ng kanilang employer na bumalik sa Hong Kong, ngunit hindi pa sila makabalik dahil sa masamang karamdaman.
Dahil dito ay nagpaalala si Mayor Contreras sa kanyang mga constituents na palakasin ang kanilang immune system, kumain ng masustansiyang mga pagkain at prutas, at uminom ng maraming tubig.