-- Advertisements --
WUHAN PANORAMIC VIEW
Panorama of Hankou in Wuhan (photo from Wiki)

Nadagdagan pa ang mga lugar sa China na pinatawan ng travel lockdown dahil sa banta ng pagkalat ng Novel-coronavirus (N-Cov).

Bukod sa Wuhan City kung saan unang idineklara ang outbreak, mahigpit na rin ang utos na travel restriction sa katabi nitong Huanggang at Ezhou prefecture.

Sarado na ang lahat ng public transport services sa Huanggang gaya ng airport, subway at train stations.

Sa Ezhou prefecture naman, isinara na rin ang istasyon ng tren na may direktang biyahe papuntang Wuhan City.

Dahil dito tinatayang nasa 20 million na mga residente ang nasa ilalim na lockdown.

Ipinag-utos na ng Wuhan municipal government na maging mandatory ang paggamit ng face masks, kasabay ng pagpapataw ng parusa sa mga lalabag.

“People who don’t obey the requirements shall be dealt with by authorities in accordance with their respective duties and laws,” ayon sa lokal na pamahalaan.

Nagpwesto na rin ng thermal detectors sa Hankou railway station sa siyudad na isa sa pinakaabalang high speed rail hub ng China.

Ayon sa mga otoridad, kanya-kanyang hakot na ng supplies ang ilang residente dahil walang katiyakan kung kailan muli magbubukas ang mga establisyemento kapag nagsara na ang mga ito para sa Lunar New Year holiday.

Sinabi naman ng microbiologist na si Yuen Kwok-yung, na mabigat na sitwasyon para sa mga residente ngayon ang pag-aalsabalutan lalo na’t panahon ng pagdiriwang nila sa Chinese New Year.

Isa sa pinakamahalagang selebrasyon para sa mga Chinese.

wuhan new year coronavirus

“The Chinese new year is the most important festival for Chinese. And many of the mobile population, they’re coming from rural China to work in Wuhan, and now you ask them not to leave to see their relatives, that is difficult,” ayon sa Hong Kong-based professor.

Nagsisilbing political at economic capital sa central China ang lungsod ng Wuhan kaya malaki rin umano ang magiging epekto ng virus sa ekonomiya ng bansa.

Una nang inamin ng World Health Organization (WHO) na mas madaling naipapasa ang sakit sa pamamagitan ng direktang contact ng dalawang tao, gaya ng pagbahing o pag-ubo sa mukha.

Wala pa rin daw pag-aaral na nakapagtukoy kung airborne ang virus tulad ng flu at measles.

Batay sa huling datos ng Chinese health authorities, umakyat na sa halos 900 ang bilang ng mga na-infect ng N-Cov.

Wuhan China
China Map

Nag-iwan din ito ng 26 na ang nasawi sa China at pinangangambahang madadagdagan pa.

Sa bansang Scotland, limang tao ang pinagsususpetsahang positibo matapos bumiyahe galing Wuhan.

May dalawang kumpirmadong kaso naman na sa Hong Kong, habang may isang kaso na rin sa Singapore matapos mag-positibo ang isang 66-year old Chinese national. (CNN/BBC/AlJazeera)