-- Advertisements --
Boracay station 1

KALIBO, Aklan – Naudlot ang masaya sanang bakasyon sa Boracay ng nasa 15 dayuhang mga turista matapos na maharang sa border patrol station sa Barangay Caticlan, Malay, Aklan.

Kasunod ito sa pagkadiskubre ng lokal na pamahalaan na may travel history sa China, Hong Kong at Macau sa nakalipas na 14 na araw ang naturang mga bakasyunista na kinabibilangan ng Chinese, Europeans at Asians.

Nasiyasat din kasi ng itinalagang Anti-Novel Coronavirus Task Force ang kani-kanilang pasaporte.

Ayon kay Anti-N-Cov Task Force spokesperson Madel Joy Tayco, nakapasok ang mga ito sa Pilipinas bago pa man ipinatupad ang pansamantalang travel ban kung saan nagtungo muna sila sa ibang tourist destinations bago sa Aklan upang mamasyal sana sa Boracay.

Nilinaw naman ni Tayco na hindi nila nakitaan ng sintomas ng 2019 novel coronavirus acute respiratory disease ang mga dayuhan kaya binigyan nila ito ng medical clearance matapos na isinailalim sa check-up ng doctors.

Sunod dito ang kanilang pag-alis para mag-self quarantine.

Samantala, nasa 108 Chinese tourist na lamang ang natitira sa isla na itinuturing na persons under monitoring o ang mga indibidwal na walang sintomas ng novel coronavirus pero may “history of travel” sa mainland China.