-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY – Pansamantalang sinuspinde ang mga tourism activities sa Tinglayan, Kalinga, dahil sa banta ng 2019 novel coronavirus (n-cov).

Sa bisa ng Executive Order, ipinag-utos ni Tinglayan Mayor Sacramento Gumilab ang pagbuo ng Municipal n-cov Task Force na kanyang pangungunahan bilang chairman habang vice chairman ang Municipal Health Officer.

Magiging tungkulin ng task force ang pagsasagawa ng information dissemination campaign ukol sa n-cov, pagsagawa ng barangay clean-up campaign, mag-establish ng surveillance mechanism, magsagawa ng monitoring at siguruhin na naipapatupad ang mga protocol sa pagtugon sa naturang outbreak.

Inatasan din ng alkalde ang mga municipal police force, barangay officials at tanod, na magtatag ng checkpoint para matiyak na walang makapasok na mga turista sa Barangay Buscalan.

Doon kasi nakatira ang pinakamatandang tattoist at national artist na si Apo Wang-od.

Bawa na rin ang mga turista sa Mt. Mating-oy kung saan makikita ang “Sleeping Beauty” mountain.