-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Kinumpirma ni Aklan Governor Florencio Miraflores na hindi na itinuloy ng isang cruise ship ang kanilang biyahe sa Boracay.

Ang MV Seabourn Ovation ay nakatakda sanang dumaong sa isla sa kauna-unahang pagkakataon ngunit naunsyami dahil sa banta ng 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (n-cov ARD).

Sakay nito ang mga turistang Europeans at Americans.

Dagdag pa ni Miraflores na ang mismong management ng cruise ship ang nagpasyang kanselahin ang pagdaong sa Boracay matapos na dumaan ang kanilang barko sa Hong Kong.

Ito ay dahil sa ipinapatupad na travel ban ng pamahalaan papasok at palabas ng China.

Sa kabilang dako, fake news umano ang kumakalat na may direct flights pa rin mula sa China na lumalapag sa Kalibo International Airport.

Malaki ang kanyang paniniwala na ang mga naispatang Chinese tourists na patuloy na nagsidatingan sa isla ay nauna nang nakapasok sa Pilipinas bago pa man ang ipinatupad na travel ban noong Pebrero 2 at dumiretso sa Boracay.