Kinundena ng Northern Luzon Command (NolCom) ng Armed Forces of the Philippines ang panibagong agresyon ng China laban sa mga barko ng Pilipinas.
Ang NolCom ang naatasang magbantay sa northern maritime area ng Pilipinas, kabilang na ang Bajo de Masinloc kung saan nangyari ang pinakahuling maritime incident.
Sa inilabas na statement ng NolCom, tinukoy nito ang aksyon ng China bilang hayagang paglabag sa international law, partikula na ang United Nations Convention on the Law of the Seas (UNCLOS). Malinaw din umano itong paglabag sa 2016 Arbitral Award.
Ayon sa NolCom, ang mga naturang aksyon ay nagsisilbing malaking banta sa soberanya ng Pilipinas at sa kaligtasan ng mga Pilipinong nag-ooperate sa naturang karagatan.
Muli ring nanindigan ang command na ang Bajo de Masinloc ay bahagi ng teritoryo ng bansa at may karapatan ang pamahalaan na magsagawa ng maritime patrol dito, protektahan ang interes nito at bantayan ang kabuuan ng bahura, salig sa karapatan ng Pilipinas sa sarili nitong teritoryo.