CAUAYAN CITY – Ipaiimbestiga ni Governor Carlos Padilla ang nangyaring pagguho ng lupa sa isang construction site sa Tiblac, Ambaguio, Nueva Vizcaya na nagbunga ng pagkasawi ng apat na manggagawa habang nakaligtas ang iba pa nilang kasama.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Lt. Christian Vincent Tomas, hepe ng Ambaguio Police Station, sinabi niya na naghuhukay kahapon ang mga biktima para sa gagawing slope protection wall ng kalsada nang biglang gumuho ang lupa sa itaas ng ginagawang proyekto.
Ang mga nasawi ay sina Rafael Villar, 42; John Retamola, 25 kapwa residente ng Ibung, Villaverde, Nueva Vizcaya; Christopher Padua, 38, residente ng y Sta. Rosa, Bayombong, Nueva Vizcaya at Carlos Tome, residente Bonfal East, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Gov. Padilla na labis siyang nalulungkot sa nasabing pangyayari.
Tiniyak niya na ipaiimbestiga ang naganap na pagguho ng lupa sa Provincial legal Office para malaman kung nagkaroon ng kapabayaan sa panig ng contractor para mapanagot ang dapat na managot.
Sinabi ni Gov. Padilla na hindi niya masyadong alam ang detalye ng construction project dahil ito ay pribado at hindi proyekto ng pamahalaan.