(Update) LA UNION – Tuluyan nang bumaba sa puwesto ang alkalde sa siyudad ng San Fernando, La Union.
Ito’y bilang respeto sa naging desisyon na pagpapataw sa kanya ng dismissal from service ng Ombudsman.
Sinabi ni Mayor Herminigildo Gualberto, hindi na rin umano nito tatapusin ang pangalawang termino bilang alkalde sa lungsod at pinagbawalan na na tumakbo sa alinmang posisyon sa gobyerno.
Ngunit hindi umano ito nangangahulugan na pag-ako sa akusasyon na ibinabato laban sa kanya.
Sa opisyal na mensahe ni Gualberto, iginiit nito na wala siyang ginawang mali o masama at wala din umanong nawala sa kaban ng bayan, kung kayat hangad nito na iakyat ang kaso sa mas mataas na hukuman para mabigyan ng patas at angkop na pagsisiyasat.
Napag-alaman na inilabas ang desisyon ng Office of the Ombudsman habang naka-leave si Gualberto, mula January 4 hanggang 17, na kasalukuyang nasa Hawaii.
Sa 20-pahinang desisyon ng Ombudsman, ang naturang alkalde ay hinatulang guilty sa grave misconduct, gross neglect of duty, maliban pa sa nakita ng prosekusyon na may probable cause para isampa sa Sandiganbayan ang kasong kriminal dahil sa umano’y paglabag sa Sec. 3 ng Republic Act No. 3019.
Habang ibinasura naman ang reklamong paglabag sa Article 220 ng Revised Penal Code.
Nag-ugat ang kaso ni Gualberto sa reklamo ng mga 47 mga punong barangay sa syudad ng San Fernando sa paggastos ng 20% Development Fund noong 2018 na dapat sana’y para sa mga barangay, ngunit ginamit ng lokal na pamahalaan sa rehabilitasyon ng City Plaza partikular sa ipinatayong fountain na na nagkakahalaga ng higit P66-milyon.