-- Advertisements --

Pinakawalan ng mataas na kapulungan ng kongreso ang pangunahing suspek sa pagkawala ng beauty pageant contestant na si Catherine Camilon na si dismissed Police Major Allan de Castro.

Magugunitang nitong Martes ay pina-cite in contempt ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, na pinamumunuan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa si de Castro matapos na magsinungaling at itanggi na may relasyon sila ng nawawalang beauty contestant.

Ayon kay senador dela Rosa, pinakawalan niya si de Castro dahil naka-session break ang Senado ng isang buwan.

Kawawa aniya ang mga taong maiiwan na magbabantay kay de Castro lalo’t sa susunod na linggo ay Holy Week na.

Dagdag pa, sa oras na magkaroon ng pagdinig ulit ay ipatatawag niya ulit si de Castro.

Una rito, nagpaalam muna si senador dela Rosa kay Senador Robinhood Padilla na siyang nagmosyon na i-cite in contempt at arestuhin si de Castro, at pumayag naman si Padilla na pakawalan muna ang pulis.