Kabado ngayon ang ilang eksperto dahil sa posibilidad na baka mas marami pang tao ang na-infect ng misteryosong sakit na nagsimula sa China.
Una rito umaabot sa 41 kaso ang kinapitan ng bagong virus batay na rin kumpirmasyon sa pamamagitan ng laboratoryo.
Pero nangangamba ang disease outbreak scientist na si Prof Neil Ferguson na baka mas malaki pa ang bilang na hindi pa naire-report taliwas sa official figures.
Posibleng umabot na raw ito sa 1,700 batay sa pagtaya ng mga eksperto mula sa United Kingdon.
Una rito dalawang katao na ang namatay sa misteryosong sakit na unang naiulat mula sa Wuhan City sa China noong December.
Bagamat ang outbreak ay nakasentro sa Wuhan, China meron na ring naiulat na dalawang kaso sa Thailand at isa sa Japan.
Ito raw ang dahilan kaya kinakabahan ang mga eksperto kasama na ang mula sa MRC Centre for Global Infectious Disease Analysis at Imperial College London na siyang nagbibigay payo sa UK government at sa World Health Organization.
Sa ngayon pinag-ibayo na ng Singapore, Hong Kong at ng three major airports sa Amerika na San Francisco, Los Angeles at New York ang screening sa air passengers na nanggaling sa Wuhan.