-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Nasa kamay na ng Agusan del Sur Police Provincial Office ang na-missing na mayoral candidate ng Tagbina, Surigao del Sur na si Vice Mayor Antonio ‘Tony’ Adlao at patuloy pang isina-ilalim sa interogasyon upang malaman ang totoong nangyari at kung sino ang responsable sa kanyang pagkawala matapos itong makita ng mga pulisya sa bayan ng Bunwan, Agusan del Sur kaninang alas-1:50 ng madaling araw.

Nitong umaga ng Lunes ay mariing pinabubulaanan ni Ka Sandara Sidlakan, nagpakilalang tagapagsalita ng rebeldeng New People’s Army (NPA) Surigao del Sur ang alegasyon ng pamilya Adlao na sila ang dumukot nito dahil umano sa hindi pagbibigay sa hiningi nilang permit to campaign fee.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Ka Sandara na drama lamang sa pamilya Adlao ang ginawa lalo na’t nagsimula na ang local campaign period.

Lumabas sa kanila umanong imbestigasyon na nasa mabuting kamay ang besi-mayor at palagi pang gumagala kung kaya’t drama lamang ang ini-ulat na pagkawala nito at sila ang tinuturong responsable pati na ang kanyang katunggalil sa pulitika.

Dagdag pa ni Ka Sandara na walang rason upang kanila itong dukutin at dadalhin sa kabundukan dahil mahina na umano itong maglakad.