(Update) CEBU CITY – Nasa ligtas na kalagayan ang mahigit 300 mga pasahero ng isang barko matapos itong na-rescue ng Philippine Coast Guard (PCG)-7 sa karagatan ng Camotes Island.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu sa PCG-7 spokesperson na si Lt. Junior Grade Michael John Encina, sinabi nito na dadaong na sana ang barkong MV Mika Mari 3 sa Consuelo Port nang pumalya ang auxiliary engine nito.
Ayon kay Encina na nag-deploy kaagad sila ng Quick Response Team upang iligtas ang 311 na pasahero ng nasabing barko.
Pagkalipas ng isang oras, bumalik naman kaagad sa normal function ang barko at walang nakaranas nang injury ang mga pasahero.
Samantala, na-rescue rin naman ng Coast Guard ang apat na mangingisda matapos na lumubog ang sinakyan nilang bangka sa karagatan ng Carcar City sa Cebu.
Nilinaw ni Encina na walang kinalaman ang low pressure area sa naturang insidente.