VIGAN CITY – Malalimang imbestigasyon ang isinasagawa ng mga otoridad sa San Juan, Ilocos Sur kaugnay sa natagpuang naaagnas na bangkay ng isang retiradong guro na nakita sa loob ng banyo ng bahay nito sa Barangay Banuar sa nasabing bayan.
Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan mula kay Captain Jade Macaraeg, hepe ng San Juan municipal police station, nakilala ang biktima na si Carmensita Quinez, 77, at isang biyuda.
May 31 umano nang sumang-ayon ang biktima sa mga kapuwa nito retired teacher na sina Luz Padua at Josefina Bueno na magtungo sa Vigan City.
Alas-9:45 ng umaga kahapon, pinuntahan nina Padua at Bueno ang biktima sa bahay nito ngunit hindi umano sumasagot sa tawag kaya nagpatulong ang mga ito kay Barangay Kagawad Willy Rosario upang makapasok sa loob.
Nang makapasok ang mga ito sa bahay ng biktima, nakita na lamang nila ang naaagnas na bangkay nito sa loob ng banyo.
Malaki ang paniniwala ng mga kaibigan nito at ng mga otoridad na inatake sa puso ang biktima dahil dati na itong may iniindang altapresyon at noong Biyernes ay sinabi nitong hindi maganda ang kaniyang pakiramdam at nanginginig ang kaniyang katawan.
Sa kabila nito, iniimbestigahan pa rin ng mga otoridad ang nasabing pangyayari upang malaman kung may foul play sa pagkamatay ng biktima.