-- Advertisements --

NAGA CITY – Patay na nang matagpuan ang isang hindi pa nakikilalang lalaki sa Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSSgt. Jhuna Esplana, tagapagsalita ng Sagnay Muncipal Police Station, sinabi nito na nakita ng isang kagawad ng Sangguniang Kabataan na kinilalang si Gem Dacuba, 21-anyos, ang wala nang buhay na biktima na palutang-lutang sa karagatang sakop ng bayan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na agad namang naiulat sa mga otoridad ang insidente kung saan agad naman ang mga itong rumesponde sa nasabing lugar.

Ayon kay Esplana, nang matagpuan ang biktima ay naaagnas na ito kung kaya hindi na ito pinaembalsamo at agad na inilibing.

Samantala, nanawagan naman si Esplana sa publiko na agad na mag-contact sa kanilang himpilan ang sinuman na may nawawalang kapamilya para sa beripikasyon ng natagpuang katawan.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa insidente gayundin ang pagtukoy sa posibleng pagkakakilanlan ng biktima.