BOMBO DAGUPAN -Wala ng buhay nang matagpuan ng mga opisyal ng barangay ang katawan ng isang lalaki sa loob ng pagmamay-ari nitong bahay sa bayan ng Lingayen dito sa lalawigan ng Pangasinan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PLt.Col. Vicente Castor, Jr., Officer-in-Charge ng Lingayen Municipal Police Station, kinilala ang biktima na si Carlos Sison Quimson, 79-anyos, at residente ng Sitio Guesang, Brgy. Domalandan West, sa nasabing bayan.
Sa salaysay ng hipag ng biktima na si Clarisa Ramos Quimson, 73-anyos, at residente ng parehong lugar, may napansin itong masangsang na amoy na nanggagaling sa bahay ng kanyang bayaw.
Sa puntong iyon ay lumapit sya sa mga opisyal ng kanilang barangay at nagtungo sila sa bahay ng biktima at nang silipin sa bintana ng bahay ay tumambad sa kanila ang wala ng buhay na katawan nito sa sahig .
Ayon sa mga kamag-anak ng biktima ay naninirahan ito ng mag-isa at dumaranas ng sakit sa puso at hypertension.
Sa kasalukuyan ay nakalagak na ang mga labi ng biktima sa isang funeral home sa nasabing bayan.