-- Advertisements --

ILOILO CITY – Naaganas na nang matagpuan ang bangkay ng isang babae sa loob ng isang sports utility vehicle (SUV) na pinaniniwalaang ilang araw nang naka-park sa tabi ng kalsada sa Barangay Inangayan, Sta. Barbara, Iloilo.

Kinilala ang biktima na si Claire Diergos, 36, residente ng Dagsaan, Buenavista, Guimaras.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Lt. Loen Cachila, team leader ng Regional Crime Laboratory 6, sinabi nito na base sa imbestigasyon, nasa tatlong araw nang naka-park ang sasakyan sa lugar ayon sa mga tanod ng barangay.

Nang kanilang tingnan ang loob nito, doon nila nakita ang isang babaeng nakabalot sa kumot na maraming saksak sa katawan kabilang ang sugat sa leeg.

Lumabas sa imbestigasyon na ang nasabing SUV ay pagmamay-ari ni dating San Dionisio, Iloilo Mayor Peter Paul Lopez at binili ni Diergos sa halagang P850,000 ngunit hindi pa fully-paid ito na kinumpirma naman ng alkalde.

Sa ngayon patuloy pa ang imbestigasyon nga otoridad.

Napag-alaman na ayon sa mga residente sa lugar, may nakitang lalaki at babae na lumabas sa nasabing sasakyan noong araw na iniwan ito sa lugar.