-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Sumakabilang buhay na ang hepe ng Cagayan de Oro City Police Office (CoCPO) na si Police Colonel Nelson Aganon nitong Martes ng hapon sa bahay-pagamutan.

Ito’y matapos sa mahigit dalawang linggo na pananatili nito sa loob ng Intensive Care Unit (ICU) ng isang pribadong pagamutan sa lungsod.

Si Col Aganon ay isinailalim sa operasyon matapos itong maaksidente sa isang motorcycle course kung saan nagtamo ito ng blood clot sa kaniyang utak.

Ayon kay CoCPO office-in charge Lt. Col. Reynante Reyes, labing-limang beses na tinangkang e-revive ng mga doktor ang buhay ni Aganon subalit nabigo ang mga ito.

Sinabi ni Reyes na kanila itong ikinalungkot at ikinabigla ngunit hindi umano makakaapekto sa kanilang tungkulin lalong-lalo na sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan ng lungsod.

Sa ngayon, inasikaso na nang kaniyang pamilya at pamunuan ng Cagayan de Oro City Police Office (CoCPO) ang posibleng pagdala ng kaniyang bangkay sa kaniyang lugar sa Davao City.

Matatandaan na dahil sa nangyari kay Aganon, ipinahinto ng PRO-10 ang pagpapasailalim sa motorcycle riding course sa lahat ng mga pulis sa rehiyon.