NAGA CITY – Nasa anim na barangay na sa lungsod ng Naga ang naapektuhan ng African Swine Fever (ASF).
Una rito, matapos ang masayang pagbalita ni Naga City Mayor Nelson Legacion na COVID-19 free na muli ang Naga City, saka naman kinumpirma ng City Veretinary Office na ilang mga lugar na naman sa lungsod ang may kaso ng ASF.
Kaugnay nito, mahigit sa 200 na mga baboy ang ipapasailalim sa culling operation na mula sa mga Barangay ng Carolina at San Felipe.
Maliban dito, may bahagi ng bayan ng Calabanga at Bombon, Camarines Sur din ang apektado matapos makapasok sa 1-km radius.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Kapitan Eufresina Manguiat ng Barangay Carolina, nakiusap ito sa Department of Agriculture (DA) at lokal na pamahalaan ng lungsod na ibigay agad ang cash assistance sa mga apektadong hog raisers lalo na ngayong mas mahirap aniya ang buhay dahil sa sinabayan pa ito ng enhanced community quarantine dahil sa COVID-19.
Kung maaalala, mahigit sa 1,000 baboy na ang unang ipinasailalim sa culling operation matapos may magpositibo sa ASF sa mga barangay ng Cararayan, Pacol, Balatas, at Del Rosario.