Pumalo na sa 2,015 ang bilang ng mga naaarestong indibidwal dahil sa naging paglabag ng mga ito sa ipinatutupad na election gun ban sa bansa ayon sa Philippine National Police (PNP).
Sa datos, 1,935 sa mga ito ang ay mga sibilyan, 37 ang mga security guards, 14 na mga miyembro ng pulisya, at siyam naman ang military personnel, habang ang 20 iba pa ay hindi pa nakikilala.
Nasa kabuuang 1,559 din na firearms ang nakumpiska ng PNP kasama ang 654 bladed weapons, 82 explosives, at 8,629 na mga bala sa 1,921 na operasyong ikinaasa nito sa buong bansa.
Samantala, hinikayat naman ni PNP spokesperson Col. jean Fajardo ang lahat ng mga nagmamay-ari ng baril na huwag itong dalhin sa labas ng kanilang mga tahanan, maliban na lamang mayroong valid certificate ang mga ito na nagpapatunay na pinahihintulutan ang mga ito na magdala ng baril.
Posible kasi aniyang malagay sa alanganin ang mga ito, makumpiska ang kanilang baril, at masampahan sila ng mga kaso dahil sa paglaban sa gun ban na kinokonsiderang isang election offense.
Mahaharap sa kasong illegal possession of firearms alinsunod sa Commission on Elections Resolution 10741 na nag-uutos ng pagtatayo ng mga checkpoints gayundin ang pagbabawal sa anumang pagdadala ng mga baril at iba pang deadly weapons.
Mapapatawan din ng disqualification sa mga public office, tanggalan ng karapatan sa pagboto, at posibleng makansela o ma-disqualify ang mga ito sa pagkuha ng gun license.
Mananatiling epektibo ang naturang gun ban hanggang sa pagtatapos ng panahon ng halalan sa Hunyo 8.